Ang UP Sirkulo ng mga Kabataang Artista ay binuo ng mga magaaral ng Unibersidad na naglalayong ilapit at gamiting makabuluhan ang teatro para sa tao. Naniniwala kami sa UP Sikat na may makabuluhan at konkretong pagbabagong maidudulot ang pagpapahayag at pagtatanghal lalo na kung mas magiging malapit ito sa oryentasyong Pilipino at bukas sa nakararami.
Sa mga kalsada ng Unibersidad unang nagtanghal, at patuloy na nagtatanghal, ang UP SIKAT—mga kalsadang ang layon ay paglapit-lapitin ang mga magkakaibang Iskolar.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, may mga pangyayaring nagbigay ng takot hindi lamang sa aming mga miyembro at kaibigan, kundi pati sa karamihan ng mga magaaral. May ilang mga tao ang walang pakundangang nagbabanta sa seguridad at lumalapastangan sa karapatan ng ating mga kapwa iskolar para lamang sa mga pansariling interes at baluktot na hangarin. Hangga’t hindi tumitigil ang mga kaguluhang nagaganap sa mga lugar na di inaasahan tulad ng Sunken Garden at University Avenue, hindi matatahimik ang bawat kapwa iskolar ng UP.
Kami sa UP SIKAT, ay lubusang tumututol sa mga karahasang patuloy na nagaganap at mariing kinukondena ang mga walang saysay na paglapastangan sa karapatang pantao na dulot ng ilang “kapatiran” na walang ibang inisip kundi ang pagganti lamang at pagsusulong ng makasariling interes sa pamamagitan ng pananakit o pambubugbog. Tumututol kami hindi lamang dahil sawa na ang buong Unibersidad at pamayanan sa mga karahasan na ito, kundi dahil walang karapatan ang sinuman na gamitan ng dahas ang kapwa-tao at ipahamak ang kinabukasan ng ating pinakamamahal nating Pamantasan.
Nananawagan kami sa UP SIKAT sa mga namamahala sa Unibersidad na gumawa ng kongkretong aksyon para matapos ang kaguluhang nagsimula ilang buwan na ang nakakaraan. Nananawagan din kami at nakikiusap sa bawat kapwa iskolar at mag-aaral na iwasan na ang pakikihalubilo sa mga hindi mapagkakatiwalaang mga grupo at indibidwal upang malayo ang bawat isa sa pahamak. Hindi sapat ang mga simpleng panawagan ng kapayapaan. Hindi sapat ang mga simpleng usapan sa pagitan ng mga kapatiran. Walang magiging sapat na solusyon para sa pagbabagong hinahangad ng bawat Iskolar kung sisimulan natin sa taas bago bumaba. Naniniwala ang UP SIKAT sa likas na kagandahang asal na mayroon ang bawat TAO, at sa mga kakayahan na maari nilang ibahagi sa iba, tulad ng isinusulong ng TEATRO at malayang pamamahayag tungo sa pagkamit ng PAGBABAGO na naaayon at makabubuti para sa nakararami.
Para sa TAO, TEATRO at PAGBABAGO,
UP SIKAT
- 3 Notes
Nov
19